Ai Vahn Lee II

Last Updated:

by

in

In “DOS,” Aivahn Ledesma shares a deeply personal reflection on the challenges of academic life.

Behind every grade, especially the “dos,” lies a story of sacrifice, resilience, and hope. Aivahn’s essay reminds us that despite the struggles, we can continue to move forward, fueled by dreams and determination.

Facebook Post

Achievements:

  • Award: Second Place in Essay Writing Contest 2025
Ai Vahn Lee II
Aivahn Ledesma
Philscholar® | Certificate of Recognition for Outstanding Achievement in Essay Writing
Awarded to Aivahn Ledesma
In Recognition of Outstanding Achievement and Excellence
Date: January 17, 2025
Academic Year: S.Y. 2025–2026

“DOS”

By. Niña Nosshae Q. Concon

isang personal na sanaysay

ni aivahn ledesma

Bumungad sa mga mata kong nahihirapang bumuka ang ilaw na nagmumula sa bombilya—ang nagsisilbing tanglaw sa maliit na silid na aking nirerentahan kasama ang tatlong iba ko pang kapwa mag-aaral. Sumunod ang pag-ingay ng alarm clock at pilit ako nitong ginigising para sa alas siyete kong pások ngayong araw. Bigáyan na ng mga marka para sa semestreng ito kung kayâ at kinakabahan na ako nang sobra.

Minsan ko na ring naitanong sa sarili: ngayong patapos na ang semestre, ano kaya ang nais kong mangyari sa susunod na akademikong taon?

Mabigat ang katawan kong napabangon at kinuha ang baldeng may lamang bigas. Magaan na rin ito nang ito’y aking buhatin kung kayâ at hindi ko naiwasang makaramdam ng panlulumo.

Bumuntonghininga ako. Kinuha ko ang aking wallet at tumambad sa akin ang isang daang perang papel at mga tig pipiso-piso.

“Kasya pa naman siguro ‘to hanggang Biyernes,” ang sabi ko sa isip ko.

Pagkatapos ay nakita ko ang litrato ni Nanay, ni Tatay, at dalawa kong nakababatang kapatid. Kung kaya, bagaman at nalulungkot at malayo sa kanila, pakiramdam ko ay nandito pa rin ako sa aking tahanan.

Nang makarating sa eskwelahan, suot ang paborito kong sapatos na tatlong taon ko nang patuloy na ginagamit, nagpatuloy ako sa paglakad sa kabila ng sira-sirang sapin sa aking mga paa. Bitbit ang magaan kong bag habang may bigat na dala-dala sa loob. Kasama ang mineral water at báon kong punong-puno ng pangarap—nagpatuloy akong umusad.

Ang sabi ko sa sarili ko noon: kailangan kong magkaroon ng matataas na marka. At bumungad sa akin ang bumabahang mga dos sa halos lahat ng sabdiyek ko.

Pigil ang luha kong tumalikod habang tinitiis ang nakapapasong araw na dumarampi sa aking balat.

Ginawa ko ang lahat.

Aminado akong ginawa ko ang lahat.

Tumigil ako saglit sa ilalim ng punò ng Akasya. Bumuntonghininga at bumuga ng hangin.

Muli kong tiningnan ang aking mga marka. Halos lahat ay nasa linyang ‘dos’.

Ngumiti ako, at doon ay biglang nagsipagbagsakan ang mga likidong kristal mula sa aking mga mata.

Muli akong nagpatuloy sa paghakbang.

May nabása ako, na ang pagkakaroon ng markang ‘dos’ ay hindi nangangahulugang mababa.

Sapagkat sa likod ng dos,

ay nakatago ang ilang balde kong luha dulot ng pag-alala sa pamilya, sa pag-aaral, sa pera—kung kasya pa ba sa mga susunod na araw ang ipon kong barya-barya.

Sa likod ng dos,

ay ang ilang gabing pinili kong hindi matulog dahil sa mga asignatura at mga bagay na gumugulo sa isip ko.

Sa likod ng dos,

ay ang ilang mga almusal at hapunan ang tiniis kong hindi kainin habang nabubusog ako sa hirap at lungkot.

Sa likod ng dos,

ay ang ilang beses kong pagkwestyon sa aking kapasidad at kakayahan ngunit wala akong mahanap na kasagutan.

Bigla kong naalala ang minsan ko nang naitanong sa sarili: ano nga ba ang nais kong makamit sa aking pag-aaral ngayong taon?

Minsan na akong naligaw at muntik nang mawala, pero patuloy ko pa ring ninanaisin ang matagpuan.

Sa bagong akademikong taóng ito, wala akong ibang maihihiling kundi ang muling mapagtagumpayan ang mga laban na naipanalo ko na noong nakaraan: ang magpatuloy sa pagsagwan sa kabila ng mga naglalakihang mga alon sa karagatan.

Was this article helpful?
YesNo

Discover more from PhilScholar

Subscribe to get the latest posts sent to your email.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Discover more from PhilScholar

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading